Jail warden ng mga Ampatuan, pinalitan

MANILA, Philippines - Matapos ang panawagan ng mga kapamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre, pinalitan na ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang hepe ng Quezon City Jail Extension sa Camp Bagong Diwa, Taguig City kung saan nakadetine ang mga suspek sa masaker partikular ang mga miyembro ng angkan ng mga Ampatuan.

Tinanggal sa kanyang puwesto si Jail Sr. Insp. Bernardino Camus na inilipat sa BJMP-National Capital Region habang humalili sa kanya si dating Caloocan City Jail officer-in-charge, Supt. Hilbert Flor.

Ayon sa BJMP, regular na proseso lamang umano ang pagtatanggal kay Camus sa posisyon base sa ipinaiiral nilang reshuffle ng mga warden kada tatlong buwan.

Wala umano itong kaugnayan sa hiling sa Quezon City Regional Trial Court ng mga kaanak ng mga biktima ng masaker na nirerepresenta ni Private Prosecutor Nena Santos na palitan si Camus dahil sa mistulang pagpanig umano nito sa mga akusado sa masaker at lubhang paghihigpit sa kanilang mga saksi.

Nagpadala rin ng liham si Atty. Santos kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo ukol sa kanilang reklamo na posibleng inaksyunan na nito.  

Show comments