Pulis itinumba sa binyagan

MANILA, Philippines - Patay ang isang pulis makaraang pagbabarilin ng nag-iisang salarin kama­kalawa ng gabi habang kumakanta sa videoke sa selebrasyon ng isang binyagan sa Pasay City.

Hindi na umabot pang buhay sa Manila Sani­tarium Hospital ang biktimang na­kilalang si PO2 Joey Salazar, 44, nakatalaga sa National Capital Regional Police Office (NCRPO), at naninirahan sa M. Santos St., ng naturang lungsod.

Nakatakas naman ang salarin na nakilala lamang sa alyas “Junior Asin” dala ang armas na ginamit sa pamamaslang.

Sa ulat ng Pasay City Police, naganap ang insidente dakong alas-10 kamakalawa ng gabi sa may F. Victor St., Tramo, ng naturang lungsod kung saan naimbi­tahan sa isang binyagan ang biktima.

Kumakanta sa videoke ang biktima nang dumating ang suspek at malapitang binaril sa mukha ang pulis saka mabilis na tumakas.

Hinihinala naman ng pulisya na maaaring paghihiganti ang motibo ng krimen. Nabatid na nasangkot si Salazar sa pamamaslang sa tatlo katao at malubhang pagkakasugat ng isang pulis-Maynila noong Disyembre 2002 sa Pasay City.

Show comments