MANILA, Philippines - Ikukulong at pagmumultahin ang mga usisero sa Maynila.
Ito ang bagong batas na inaprubahan ni Manila Manila Mayor Alfredo S. Lim matapos na maipasa ang City Ordinance no. 8247 na inihain ni Manila 2nd District Councilor Rodolfo Lacsamana na nagpapataw ng kulong at multa sa mga usiserong papasok sa inilalagay na police cordon sa nagaganap na krimen sa isang lugar.
Batay sa batas, sinumang lalabag sa Ordinance No. 8247 ay maaaring makulong ng 15 araw o pagmultahin ng P5,000 o parehong ipataw ang kulong at multa.
Ang paglabag sa police line ay indikasyon ng kahinaan ng mga pulis na ipatupad ang kanilang regulasyon at disiplina upang mapanatili ang kaayusan sa isang crime scene.
Anang alkalde, dapat na igalang ang itinakdang police yellow line dahil may dahilan para ito ilagay at peligroso na makihalo ang mga tao sa awtoridad dahil baka sila pa ang masaktan
Sa orihinal na panukala, nasa P2,000. lamang ang multa sa mga lalabag sa “POLICE LINE, DO NOT CROSS” subalit napagkasunduan sa ginawang pagdinig sa Manila Council na itaas ito sa P5,000.