MANILA, Philippines - Nalansag ng mga operatiba ng NBI ang operasyon ng mga dayuhang sindikato sa ‘cloning’ ng credit cards sa pagkakadakip sa may 15 Taiwanese nationals na nagpapatakbo ng isang mistulang call center sa isang eksklusibong subdibisyon, sa lungsod ng Quezon.
Ibinunyag ni NBI-Technical Investigation Division (NBI-TID) head agent Atty. Palmer Mallari na ang mga dayuhang naaresto, na hindi muna ibinunyag ang mga pangalan ay responsable umano sa pagkopya o duplication ng credit cards sa pamamagitan ng ‘hacking’sa mga may-ari nito na pawang nasa ibayong dagat. Mula sa na-hack na accounts ay ililipat ang information sa isang blangkong credit cards.
Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang NBI sa Taiwanese Economic and Cultural Office (TECO) officials upang maberipika kung nagmula sa kanila ang mga tinutukoy na Taiwanese. Nag-ugat ang raid nang makatanggap ng intelligence report ang NBI hinggil sa kaduda-dudang aktibidad ng mga nasabing dayuhan sa dalawang subdivision partikular sa BF Homes at Filinvest II, sa QC. Sila din umano ang sindikato sa panloloko ng mga kliyente sa online shopping at extortion sa mga residente ng bansang China.Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa mga ito.