MANILA, Philippines - Tatlo katao ang nasawi, kabilang dito ang isang abogado ng Commission on Audit, habang dalawa pa ang sugatan na tinamaan naman ng ligaw na bala makaraang pagbabarilin ng mga naka-motorsiklong suspect habang nag-iinuman sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Atty. Rizal Cimatu, 53, legal officer ng Commission on Audit (COA); Edwin Tating, 53, city hall employee; at Napoleon Aquino, 51.
Ayon kay PO2 Hermogenes Capili, ang tatlo ay pinagbabaril ng tatlong armadong kalalakihang sakay ng dalawang motorsiklo na pawang may mga takip ang ulo sa may Brgy. Holy Spirit ganap na alas-9:30 ng gabi.
Sugatan din sa naturang insidente sina Samarta Bibon, 17; at Esmeraldo Castillo, 52, matapos na tinamaan ng ligaw na bala.
Sinabi ni Capili, nag-iinuman sina Cimatu at Tating sa labas ng isang kainan nang dumating ang mga suspect sakay ng dalawang motorsiklo.
Naroon din umano sa lugar at nag-iinuman sa kabilang mesa sina Bibon, Aquino at isang testigong si Jaime Himacas Jr.
Agad na nagsipagbabaan sa kanilang mga sasakyan ang mga suspect at paglapit kina Cimatu at Tating ay pinagbabaril ang mga ito. Patay agad sa pamamaril sina Cimatu at Tating.
Nang makita ito ni Aquino ay agad na binunot nito ang kanyang dalang baril at pinaputukan ang tumatakas na suspect kung saan tinamaan umano nito ang isa sa mga huli, pero gumanti ang mga ito ng putok sanhi para siya tamaan.
Nagawa pang maisugod sa East Avenue Medical Center si Aquino pero idineklara rin itong patay.
Habang sina Bibon at Castillo ay tinamaan ng ligaw na bala.
Narekober sa pinangyarihan ang 30 basyo ng bala ng kalibre 45 baril na ginamit sa pamamaril sa mga biktima.
Blangko pa ang pulisya sa motibo sa naganap na pamamaril habang patuloy pa rin ang imbestigasyon ukol dito.