MANILA, Philippines - Isang construction worker ang namatay matapos na mahulog mula sa rooftop ng ginagawang tatlong palapag na residential building sa Mandaluyong City kahapon ng umaga.
Sa pamamagitan ng access pass, nakilala ang biktima na si Mikel Agaed, tubong Binangonan, Rizal.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni SPO1 Danilo Patoc ng Criminal Investigation Unit (CIU), ganap na alas-5:00 ng umaga nang makita ang bangkay ng biktima sa ibaba ng construction site sa #6 Panalis St., Brgy. Mabini, Mandaluyong City.
Ayon sa kasamahang trabahador ng biktima na si Isaac Ayson, 27, nakita niya ang bangkay ng biktima na nakasabit ang ulo sa bakal na tatsulok, nakadipa ang mga kamay at mistulang nakaluhod ang mga tuhod.
Giit naman ng mga kasama sa trabaho ng biktima, posible umanong tumalon o kaya’y aksidenteng nahulog ang biktima sa ginagawa nilang gusali nang wala umanong nakapansin sa kanila.
Duda naman si Patoc sa salaysay ng mga kasama sa trabaho ng biktima kaya inimbitahan nito sa pulisya sina Ayson, Louie Fontanilla, 31; Dominador Montenola, 25; at George Abad, 28.
Sinabi ni Patoc, na dapat ay nakabulagta at lasog ang katawan ng biktima kung tumalon o aksidente itong nahulog sa gusali.
Hinihinala ng pulisya na may naganap na ‘foul play’ sa pagkamatay ng biktima dahil sabog din ang nguso nito bukod pa sa sugat sa ulo at likuran bahagi ng katawan nito.
Huling nakitang buhay ang biktima na nakikipag-inuman sa apat na ka-trabaho at hindi naman umano nagtagal at nagpapalam din ito para matulog pero kinabukasan ay nakita ng wala ng buhay.