3 suicide naitala

MANILA, Philippines - Tatlo katao kabilang ang isang guro ang nagpaka­matay sa magkakahiwalay na lugar sa Maynila, Pa­ra­ñaque at sa Las Piñas. Da­ lawa dito ang nagbigti, ang isa sinunog ang sarili.

Sa Maynila, patay na nang matagpuang nakabigti ang isang high school teacher sa loob ng kanilang bahay sa Tondo, kahapon ng umaga.

Kinilala ng MPD-Homicide Section ang biktima na si Josephine Cravantes, ng Rajah Soliman High School at residente ng Dagupan Exten­sion, Gagalangin, Tondo, Maynila.

Sinabi sa imbestigador ni Daniel, mister ng biktima dakong alas-5 ng umaga ka­hapon nang mabigla siya sa nakitang nakabigti na ang misis sa tali ng kurtina.

Bago umano siya matulog ay nakita niyang gumagawa ng lesson plan ang misis at tumabi pa sa kaniya, ani Daniel.

May impormasyon din mula sa co-teacher ng biktima na noong nag-abroad ang mister nito ay nag-iba na ang ugali at kilos ng nasa­wing guro at minsan umanong nagsalita pa ito na tatalon sa gusali kung walang sasama sa kaniya sa pagtulog.

Sa Parañaque naman sinasabing sadyang sinunog ni Emmanuel Santos ang kan­yang sarili sa loob ng tinutuluyan nitong kuwarto sa Tramo 1, San Dio­nisio ng naturang lungsod.

Sa imbestigasyon ng Para­ñaque Fire Station, dakong alas-3 kamakalawa ng hapon nang sumiklab ang apoy sa naturang bahay na nagmula sa kuwarto ng biktima. Agad namang naapula ang sunog.

Sa “mopping operation” ng mga arson investigator, natuklasan ang bangkay ng biktima sa natupok nitong kuwarto. Sa pagtatanong sa mga kapitbahay, sinabi ng mga ito na napansin umano nila na kakaiba ang ikinikilos ng biktima at mistulang nawawala sa sariling katinuan nitong nakalipas na araw.

Sa Las Piñas, tinakasan umano ng isang lalaki ang kinakaharap na kasong “serious physical injury” sa korte sa pamamagitan ng pagbibigti sa sarili sa loob ng kanyang bahay, kahapon ng umaga sa Las Piñas City.

Natuklasan ang bangkay ni Jimmy Casenas, 34 at na­­ninirahan sa Brgy. CAA, BF International, ng naturang lungsod dakong alas-11:30 ng tanghali ng live-in partner nito na si Angelita Dadan, 32.             

Sinabi ni Dadan sa mga imbestigador na ilang araw na umano niyang napapan­sin na balisa si Casenas ma­ tapos na makatanggap ng subpoena mula sa Las Piñas Metro­po­litan Trial Court Branch 79 dahil sa isinampang kasong “serious physical injury”.

Nakatakda sana ang unang araw ng paglilitis ngayong Bi­yernes (Agosto 5) na hindi na mapupuntahan pa nang nagbigting si Casenas.

Show comments