Manila, Philippines - Isa na namang sawi sa pag-ibig ang winakasan ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbibigti nang hiwalayan umano ng kanyang kasintahan, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Malamig nang bangkay nang madiskubre ang biktima na nakilalang si Ronaldo Segundo, 34, helper, tubong Pangasinan, at nakikituluyan sa bahay ng kanyang tiyahin sa Gamban Extn., Pasay City.
Sa ulat ng Pasay City Police, dakong alas-5 ng madaling-araw nang madiskubre ng tiyahin ng biktima na si Michelle Idanan ang bangkay nito sa isang bahagi ng unang palapag ng kanilang bahay na nakabigti gamit ang isang asul na lubid. Ayon sa mga kapitbahay, nakipag-inuman pa ang biktima dakong alas-7 kamakalawa ng gabi sa mga kabarkada. Huling nakitang buhay ang biktima ng tiyahin nito nang umuwi dakong ala-1 na ng madaling-araw at umakyat sa ikalawang palapag sa pag-aakalang matutulog na.
Wala namang natagpuan na suicide note ang mga imbestigador ngunit sinabi ng tiyahin nito na maaaring ang pagkasawi sa pag-ibig nito ang dahilan ng pagpapatiwakal matapos na malaman nito na nakipaghiwalay ang kasintahan ng kanyang pamangkin.