Taxi sumalpok sa bus, 3 sugatan

MANILA, Philippines - Tatlo katao ang nasugatan makaraang sumalpok ang sinasakyan nilang taxi sa isang pampasaherong bus bago rumampa sa isang gutter sa Regalado Avenue, Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang mga biktima na sina Rodrigo Ordenesa, 35, driver ng EMP taxi; at mga pasaherong sina Brigette Atilado, 28; at Sunshine Dolores, 23; pawang mga residente sa Maligaya Park Subdivision, No­valiches sa lungsod. Ang mga ito ay isinugod sa Orthopedic at East Avenue Medical Center.

Nawasak din ang bahagi ng Hyudai passenger bus (PXD-973) na minamaneho ng isang Florentino Gamora na nakabanggaan ng nasabing taxi.

Sa pagsisiyasat ni PO1 Anthony Jasper Aloro, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Regalado Avenue corner Mindanao Extension sa lungsod ganap na alas-4 ng madaling-araw.

Sinasabing galing sa Doña Mariano Marcos ang taxi ni Ordenesa sakay ang dalawa, habang ang bus naman ay ga­ling Commonwealth Ave­nue kung saan kapwa patu­ngo ang dalawa sa SM Fairview nang pagsapit sa nasa­bing lugar ay mabundol ng una ang huli.

Inihahanda na ang kasong reckless imprudence re­sulting in physical injuries and da­mage to property laban sa driver ng taxi.

Show comments