MANILA, Philippines - Umaabot sa P1.4 milyong halaga ng payroll money ang natangay ng isang company driver at kasabwat nitong lalaki buhat sa dalawang Korean national na nag-withdraw ng naturang pera, kamakalawa ng gabi sa Muntinlupa City.
Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang suspek na nakilalang si Jason Noval, stay-in sa kanyang amo na si Youn Jo Lee sa Morning Sun Subd., Hagonoy, Taguig City at isang hindi pa nakilalang salarin.
Sa ulat ng pulisya, pinagmaneho ni Noval sina Lee Jin Ho, 27, at Kim Hye Jin, 28, kapwa ng Saranggani St., Ayala Alabang, Muntinlupa City. Ang dalawang Koreano ang inutusan ni Jo Lee na mag-withdraw ng P1.4 pera sa ATM account nito sa HSBC sa Molito Building sa Madrigal Business Park, Madrigal Avenue, Ayala Alabang.
Pabalik na ang dalawa sa opisina ng kanilang kompanya sakay ng Toyota Fortuner (PIU-886) na minamaneho ni Noval nang biglang itigil nito ang behikulo at papasukin ang isang lalaki na agad tumutok ng baril sa dalawang Koreano.
Idiniretso ng mga salarin ang sasakyan sa South Luzon Expressway habang tinangay ng kasabwat ni Noval ang payroll money pati na ang personal na gamit at wallet ng dalawang Korean national na naglalaman ng P28,000 cash, Korean Government ID at ATM cards bago sila ibinaba malapit sa gasolinahan na sakop ng San Pedro, Laguna.
Matapos maireport ng mga biktima ang pangyayari sa pulisya, nagsagawa kaagad ng follow-up operation sina Insp. Samuel Hilotin, Jr., hepe ng Criminal Investigation Section ng Muntinlupa police at nabawi ang Toyota Fortuner na iniwan ng mga suspect sa harap ng sangay ng isang fastfood chain sa Biñan, Laguna.