MANILA, Philippines - Muling nakatikim ng rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga motorista partikular na sa halaga ng premium at unleaded na gasolina, umpisa kahapon ng madaling-araw.
Dakong alas-12:01 ng hatinggabi nang pangunahan ng Chevron Philippines at Pilipinas Shell ang pagbaba sa presyo ng kanilang mga produkto. Nasa P2 kada litro ng premium at unleaded na gasoline ang kanilang tinapyas at P1.75 kada litro ng regular na gasoline.
Mas maliit naman na P.50 sentimos kada litro ng diesel na ginagamit ng mga pampublikong behikulo ang ibinawas ng mga kumpanya ng langis at P.30 sentimos kada litro ng kerosene.
Sabay-sabay naman dakong alas-6 ng umaga nang magbaba rin ng kahalintulad na presyo sa parehong mga produkto ang Petron Corporation, Total Philippines, Flying V Corporation, Unioil Petroleum at Phoenix Petroleum.
Ang naturang rollback ay bunsod umano ng pababang trend ng presyo ng petrolyo sa internasyunal na merkado na sinusundan lamang umano ng mga kumpanya ng langis sa bansa.
Sa kabila ng rollback na ito, nananatili pa ring lagpas sa P50 kada litro ang halaga ng premium at unleaded na gasoline habang lagpas pa rin sa P40 ang presyo ng diesel sa Metro Manila.