MANILA, Philippines - Tahasang sinabi ni Justice Undersecretary Francisco Baraan III na handa si dating Batangas Gov. Antonio Leviste na isiwalat ang lahat ng mga nalalaman nito at buong pangyayari kaugnay sa kaso ng kaniyang paglabas-masok sa New Bilibid Prison (NBP) kahit walang kaukulang pahintulot.
Ayon kay Baraan, si Leviste, mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) at New Bilibid Prisons mismo ang haharap ngayon sa binuong fact-finding panel ng DoJ.
Sinabi ni Baraan na nag pahayag ng kanyang pagnanais si Leviste na humarap sa panel upang isiwalat ang lahat ng kanyang nalalaman at kung paano siya nabigyan ng pribilehiyo.
Palalawakin din nila ang imbestigasyon para sa reporma na gagawin sa prison system, dahil marami na umanong hindi applicable sa mga regulasyon.
Maliban umano kay Leviste, inaasahan din na pagpapaliwanagin sa pagdinig si BuCor Dir. Ernesto Diokno.
Ang hearing ay gagawin sa tanggapan ng BuCor at ito ay magiging bukas sa media coverage.
Si Leviste ay inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos na mahuling luma bas ng Bilibid noong nakaraang linggo nang walang pahintulot.
Kinasuhan na rin ito ng panibagong kaso na evasion of service of sentence dahil sa pangyayari.
Una ng inamin ng DoJ na hindi na bago ang isyu hinggil sa sinasabing “special treatment” ng ilang prison officials sa mga high-profile inmates.
“Money and political influence are still being used to be in a better situation than the others,” ani Baraan.