MANILA, Philippines - Apat na holdaper ang iniulat na nasawi matapos na makipagpalitan ng putok ng baril sa mga kagawad ng Quezon City Police District (QCPD) matapos ang isinagawang panghoholdap ng mga ito sa isang pampasaherong bus sa lungsod, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot sa lugar ang mga suspect na pawang walang pagkakakilanlan matapos na magtamo ng mga tama ng bala sa kanilang mga katawan.
Samantala, sugatan din sa engkwentro ang mga pulis na sina SPO1 Ferdinad Leechiu na nagtamo ng tama ng bala sa tiyan at si PO2 Ernesto Barbajera na tinamaan naman sa binti at kapwa isinugod sa Capitol Medical Center.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente sa tapat ng Sandiganbayan sa Commonwealth Avenue, Batasan Hills sa lungsod pasado alas-7 ng gabi.
Ayon ulat, bago ang insidente, sumakay umano ang apat na suspect sa Kellen Bus (UVH-667) na minamaneho ni Pedro Vergara na may biyaheng Fairview-Baclaran sa kanto ng Maligaya sa Fairview na nagkunwaring mga pasahero. Pagsapit sa overpass sa tapat ng Commission on Audit (COA) ay biglang naglabas ng baril ang mga suspect at nagdeklara ng holdap. Dito ay sinimulan ng mga suspect na limasin ang mga pera at gamit ng mga pasahero maging ng driver at konduktor ng bus.
Sabi ng konduktor na si Robert Daligcon, pilit umano siyang sinakal ng suspect makuha lamang ang perang kinita nila na aabot sa P2,000 bago nagpasyang magsipagbabaan sa naturang lugar.
Samantala, ayon kay Inspector Rodel Marcelo ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police District, ang insidente ay nakarating agad sa himpilan ng QCPD at agad na inalerto ang tropa ng District Police Intelligence and Operating Unit (DPIOU) na agad namang rumesponde sa lugar sakay ng private vehicles.
Mula rito ay naispatan ng mga operatiba ang komosyon sa bus at agad na pinara ang driver nito. Nang huminto ang bus sa tapat ng Sandiganbayan ay bilang nagsipagbabaan ang mga suspect habang sunod-sunod na pinaputukan ang mga operatiba dahilan para unang tamaan ng bala si PO1 Leechiu sa tiyan at si PO1 Barbajera sa kanang hita.
Sa puntong ito, gumanti ng putok ang mga awtoridad na ikinasawi ng mga suspect.
Patuloy na inaalam ng CIDU ang pagkakakilanlan ng mga nasawing suspect at kung anong grupo nakaanib ang mga ito.
Kaugnay nito, bilang pagpupugay naman sa kabayanihan ng mga nasugatang pulis ay personal silang pinagkalooban nina PNP chief Raul Bacalzo at NCRPO director Allan Purisima kahapon ng parangal bilang magiting na pulis dahil sa naganap na insidente, habang nakaratay sa Capitol Medical center.
Bukod sa parangal, binigyan din ang dalawa ng cash prize bilang suportang pinansyal bunga na rin ng kanilang nagawang kabayanihan.