Siga nagwala: 1 patay, 1 sugatan

MANILA, Philippines - Patay ang isang 32-anyos­ na lalaki nang pagsasaksakin ng isang tambay, habang kritikal naman­ ang nakatatandang kapatid nito dahil sa pagsaklolo sa una sa Tondo, Maynila kamaka­lawa ng gabi.

Hindi na umabot pang buhay sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Joseph Lineses, ng Area F, Parola Compound, Tondo bunsod ng mga tinamong saksak sa katawan.

Nasa kritikal na kon­disyon pa ang kuya nitong si Hernino, 34, construction worker dahil sa mga sugat nang siya ay pagbalingan din ng saksak ng suspect.

Patuloy pang nag-iimbestiga ang pulisya para matukoy ang pagkikilanlan sa suspect na tumakas matapos ang ginawang pananaksak.

Sa ulat, dakong alas-9 ng gabi nang maganap ang insidente sa Area F. Parola compound, Tondo habang nakikipag-inuman sa mga kaibigan ang biktima nang suntukin umano ito ng suspect na nakikidaan lamang sa lugar.

Hindi pa nasiyahan ang suspect ay muli itong bumalik sa grupo ng biktima at sa pagkakataong iyon ay armado na ng patalim at ilang ulit na inundayan ng saksak ang nasawi.

Nang makita ni Hermino ang nangyayari sa kapatid ay agad siyang sumaklolo subalit siya naman ang pinagsa­saksak ng suspect.   

Show comments