MANILA, Philippines - Isang babae na ang modus operandi ay mag-annul umano ng kasal kapalit ang malaking halaga ang nadakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Nakilala ang suspect na si Mariebeth Pazcoguin, na kilala bilang “annul ment lady” matapos na mahuli sa isang entrapment operation bunsod ng reklamo ng isang Marydel Bacheller-Camilet.
Ayon kay NBI director Magtanggol Gatdula, pinapangakuan ni Pazcoguin ang mga mag-asawa na nais nang maghiwalay na kaya niyang ipa-annul ang kasal ng mga ito kahit hindi na dumalo sa anumang court hearings kapalit ng malaking halaga.
Batay sa inisyal na report ng NBI-Anti-Organized Crime Division (AOCD), si Pazcoguin ay inaresto sa isang entrapment operation sa loob mismo ng isang mall sa Quezon City dakong alas 10:30 ng umaga habang binibigay ng isa nitong biktima ang balance ng napag-usapang halaga.
Sinabi ng biktima apat na taon na siyang hiwalay sa kanyang asawa nang makilala si Pazcoguin kung saan kinausap niya ito upang ma-annul ang kanyang kasal dahi penipetisyon naman siya ng kanyang British boyfriend at nakatakda nang mag-migrate sa United Kingdom.
Agad namang nagbigay ng paunang bayad na P85,000 si Bacheller- Camilet subalit umabot ng limang buwan bago binigay sa kanya ang mga papeles na di naglaon ay napag-alaman niyang mga peke.
Dito na siya humingi ng tulong sa NBI na nagsagawa ng bitag sa suspect.