MANILA, Philippines - Matapos na ibaba ng kakarampot sa 60 sentimos kada litro ang presyo ng gasolina, nagtaas naman ang mga nangungunang kompanya ng langis sa presyo ng diesel at kerosene.
Dakong alas-12:01 ng hatinggabi nang magpatupad ng rollback na 60 sentimos sa premium, unleaded at regular na gasolina ang Pilipinas Shell, ngunit iniakyat naman ng P.60 sentimos din kada litro ang presyo ng diesel at P.50 kada litro ng kerosene.
Eksakto alas-6 naman ng umaga nang sumunod ang Chevron Philippines sa kahalintulad na rollback sa gasolina at pagtataas sa diesel at kerosene sa parehong presyo at mga produkto.
Sa kabila naman ng pagtatanong ng mga mamamahayag, tumigil na ngayon ang Petron Corporation sa pagpapadala ng advisory sa kanilang price increase at rollback ngunit inaasahang susunod din sa aksyon ng Shell at Chevron.
Ang naturang rollback ay mas mababa ng P.40 sentimos sa ipinatupad na pagbaba sa presyo ng gasolina ng mga small players na Eastern Petroleum, Seaoil Philippines at Unioil Philippines.