MANILA, Philippines - Ang sumusunod ay halaw sa isang panayam kay Mr. Miguel G. Belmonte, presidente ng Pilipino Star Ngayon, kaugnay ng ika-25 anibersaryo ng pahayagang ito:
1. Ano ang pangkalahatang assessment ninyo sa tagumpay ng Pilipino Star Ngayon?
Masayang-masaya kami sa antas ng tagumpay na inabot ng PSN. Nagawa naming mapalaki ito para maging isa sa pinakamalaking pahayagan sa bansa nang hindi kailangang ikompromiso ang aming integridad at moral values.
2. Ano sa tingin ninyo ang mga salik o factors para tumagal nang 25 taon ang Pilipino Star Ngayon?
Sa tingin ko, kumbinasyon ito ng kasipagan, tiyaga at sampalataya sa Diyos. Lahat naman ng mga tabloid ngayon ay may mga sanay at bihasang peryodista pero, sa anumang kadahilanan, dalawa o tatlo lang sa halos 20 national tabloid
ang nagkaroon ng mas malawak na mambabasa at tagumpay
sa pananalapi na katulad ng sa PSN.
3. Paano naligtasan ng Pilipino Star Ngayon ang napakahigpit na kumpetensya sa newspaper industry lalo na sa hanay ng mga tabloid?
Unang-una, kinakalinga ng PSN ang staff at ibang mga kagawad nito. Nagbibigay kami ng 18 months of salary bawat taon bukod pa sa ibang cash bonuses at iba’t ibang non-cash benefit na tulad ng housing, shuttle services, life insurance, medical insurance, financial assistance at iba pa. Kapag kasi inaalagaan mong mabuti ang iyong staff, ginagampanan nilang mabuti ang kani-kanilang trabaho. Mas nagiging tapat sila at lalong sumisipag para sa kumpanya.
4. Sa 25 taong kasaysayan ng Pilipino Star Ngayon, ano ang ilan sa naging mga problema nito at paano niya nalagpasan ang mga ito?
Napakahaba ng 25 taon at talagang dumaan ang PSN sa mahihirap na challenges o hamon. Noong 1990, halos buong management team ay umalis at lumipat sa iba para magtayo ng isang karibal na tabloid. Kasama sa grupong ito ang president, editor-in-chief, business manager, circulation manager, at accounting head. Bukod diyan, iniwan nila kaming baon sa milyun-milyong utang sa mga paper supplier. Iyan ang naging pinakamalaking pagsubok sa amin. Naging hamon din sa amin ang nauusong mga sexy at bold tabloid pero nalagpasan namin ito nang hindi kailangang isakripisyo ang pamantayan namin ng moralidad. Sa ngayon, masasabi kong pinakamalaking kalaban ang mataas na gastusin sa newsprint.
5. Ano ang ilan sa mga tampok na yugto o highlight sa tagumpay ng Pilipino Star Ngayon?
Yaon lang na marating ang 25 taon na may malaki kaming sirkulasyon at katatagang pinansyal ay isang bagay na aming ipinagmamalaki. Maaari naming ipagmalaki na kami ang unang tagalog na tabloid sa bansa na inilalathala ng may ganap na kulay o full color, isang kalakaran na sinundan ng iba.
6. Paano ninyo nakikini-kinita ang Pilipino Star Ngayon sa susunod na 25 taon? Meron kayong plano para sa hinaharap?
Inaabangan namin nang may kasabikan at kasiglahan ang susunod na 25 taon. Sa bagong tatag na partnership namin ng PLDT group ni Mr. Manny Pangilinan, asahan nating makikita at mababasa ang PSN hindi lang sa print at internet kundi sa iba’t ibang porma ng media application tulad ng cell
phone, iPad at iba pa sa malapit na hinaharap.