MANILA, Philippines - Nagsasagawa ngayon ng imbestigasyon ang hanay ng Quezon City Police sa lumalalang kaso ng abortion matapos na magkasunod na naitala ang pagkakatagpo sa dalawang fetus malapit sa may Aurora Blvd., ayon sa pulisya kahapon.
Ayon kay PO3 Jaime Jimena, posibleng may abortionistang nag-ooperate sa lungsod bunga na rin ng mga palatandaang iniwan nito mula sa nakuhang lalagyan ng mga itinapong fetus.
Base sa pagsisiyasat, ang mga fetus na natagpuan ay pawang mga nasa pagitan ng 5 hanggang 6 na buwan kung saan ang isa sa mga ito ay may nakatala pang petsa kung kailan at anong oras ito ipinanganak.
Nabatid sa CIDU na alas-11:30 ng gabi nang matagpuan ang fetus sa may Aurora Blvd., pagitan ng QC at Marikina, Brgy. Barangka ng isang magbabasurang si Elvira Ciptimo, 34.
Matapos ito, isa pang fetus ang natagpuan sa may Sta. Clara Church sa kahabaan din ng Katipunan ng isang barangay purok lider na si Cristina Cirera habang nakasilid din umano sa maliit na kahon ganap na alas-8 ng umaga.