MANILA, Philippines – Inambus at napatay ng tatlong hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng motorsiklo ang chief political adviser ni Mandaluyong Mayor Benhur Abalos habang sakay ng kanyang Toyota Fortuner sa Barangka Drive, Barangka Village, Mandaluyong City kamakalawa ng gabi.
Dalawang tama ng bala sa ulo ang kumitil sa buhay ng biktimang si Joselito “Jun” Torres, 50, tinaguriang ‘little mayor’ sa lungsod.
Sa ulat ni PO2 Danilo Patoc ng Criminal Investigation Unit ng Mandaluyong City Police, nabatid na ang pananambang ay naganap alas-9:45 ng gabi habang nakahinto ang kulay gray na sasakyan ng biktima sa harap ng kanyang computer shop sa Barangka Drive nang lapitan ng isa sa tatlong suspek na sakay ng motorsiklo saka ito binaril sa ulo.
Sinasabing ang gunman ay nakasuot ng light-brown na polo shirt habang ang dalawang lookout ay naka-t-shirt na puti at pawang naka-maong na pantalon ay mabilis na tumakas matapos ang krimen.
Naisugod pa si Torres sa Mandaluyong City General Hospital ngunit inilipat din sa University of Santo Tomas Hospital sa Maynila, pero nalagutan din ng hininga ganap na alas-12:45 ng madaling-araw.
Labis na ikinalungkot ni Mayor Abalos ang ginawang pagpatay kay Torres na kanya ring matalik na kaibigan kaya iniutos nito sa mga awtoridad ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon at pagtugis sa mga salarin.
Naniniwala naman ang alkalde na may motibong political sa naganap na pagpatay kay Torres.
Sinasabing nakuhanan ng CCTV footages ang gunman at dalawa nitong kasama na siyang sentro ng ginagawang imbestigasyon ngayon ng pulisya.