MANILA, Philippines – Sinabi kahapon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na hihilingin niya sa mga alkade na miyembro ng Metro Manila Council (MMC) na sundin ang ipinatutupad ngayon na “plastic at styrofoam ban” sa lungsod ng Muntinlupa.
Ito’y kasabay ng papuri ni Tolentino kay Mayor Aldrin San Pedro sa pangunguna at “political will” sa pagpapatupad ng ordinansa na nagbabawal sa lahat ng establisimiyento, residente at mga negosyante sa paggamit ng plastic at sa iba pang materyales na “non-biodegradable” para sa kampanya sa kalikasan.
Bukod umano sa mga alkalde ng 15 lungsod at isang munisipalidad sa Metro Manila, maaari ring sumunod dito lahat ng lokal na pamahalaan sa buong Pilipinas.
Matatandaan na naging epektibo nitong Enero 18 ang Ordinance no. 10-109 makaraan naman ang isang taong ibinigay na palugit ng pamahalaang lokal ng Muntinlupa sa mga negosyante. May kinakaharap na multang P500 hangang P2,500 at pagkakulong ng hanggang anim na buwan ang mga mapapatunayang lalabag sa naturang ordinansa.
Nabatid naman na may 500 katao na ang nadakip ng mga tauhan ng Muntinlupa City Hall mula nang ipatupad ito. Karamihan sa mga ito ay mga mamimili sa palengke at mga tindero.