MANILA, Philippines - Posibleng dahil sa sobrang kalasingan at pagkahilo kaya nahulog mula sa ika-3 palapag ng isang boarding house ang 45-anyos na maintenance employee ng Polytechnic Univesity of the Philippines (PUP) na naging sanhi ng kanyang kamatayan, kahapon ng madaling-araw sa Sta. Mesa, Maynila.
Kinilala ang nasawi na si Alvin Naga, tubong-Bicol at boarder sa #4500 Valenzuela St., Sta. Mesa, Manila.
Napag-alaman na dakong alas-12:53 ng madaling-araw nang mapansin ng isa pang boarder na si Ferdinand Enbate ang biktima na may bumubulwak na dugo sa ulo habang nakadapa sa pinakababa ng hagdanan.
Wala umanong nakakita sa pagkahulog ng biktima sa nasabing boarding house bagamat alam nila na lasing umano ito at posibleng umakyat ng hagdan patungo sa rooftop upang magpahangin na posibleng nawalan ng balanse dahil sa pagkahilo.
Dinala ang bangkay ng biktima sa St.Patrick Funeral Homes para sa awtopsiya upang matiyak kung walang foul play sa pagkamatay nito.