Seminar sa mga bus driver inumpisahan na

MANILA, Philippines - Aabot sa higit 100 mga bus drivers ang dumagsa sa compound ng Technical Education and Skills Deve­lopment Authority (TESDA) sa unang araw ng pagbibigay ng “road safety seminar” upang maging kuwalipikado sa pagmamaneho sa mga lansangan sa Metro Manila.

Ito’y makaraang magpalabas ng panuntunan ang Department of Transportation and Communications (DOTC) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na kinakailangang sumailalim muna sa pagsasanay ang mga bus drivers at makakuha ng akreditasyon buhat sa TESDA bago payagang makapagmaneho.

Nakatutok ang seminar sa ligtas na pagmamaneho sa malayuan at maigsing biyahe, matipid at ligtas sa kapaligiran.

Kasamang dumalo sa unang araw ng seminar ang mga driver buhat sa mga bus companies na HM Transport, Erjohn at Almark, Biñan Bus System, Dela Rosa Liner, Dona Motors, San Agustin Transport, at iba pang kumpanya.

Magtatapos ang seminar sa darating na Sabado kung saan isasailalim sa pinal na aktuwal na pagmamaneho ang mga driver na dito sasalain kung sino ang mabibigyan ng “Safety Economical and Environment Friendly Driving qualification certificate”.

Ayon sa DOTC, mara­ming buhay at ari-arian ang naibuwis at nasayang dahil sa barumbadong pagmamaneho ng ilan sa mga bus drivers at hindi maayos na “maintenance” sa mga bus units ng kanilang mga kompanya.

Ang mga hindi papasa at hindi makakakuha ng TESDA certification ay hindi rin papayagan pang makabiyahe simula 2012 kung saan hindi na sila mabibigyan ng mga lisensiya.

Isasailalim din sa naturang seminar at pagsasanay ang mga bus drivers sa mga lalawigan na kung hindi makakapasa ay hindi na rin papayagang makapagmaneho sa taong 2013.   

Show comments