Ginang nagbaril sa sentido, patay

MANILA, Philippines –  Patay ang isang ginang makaraang magbaril sa sentido dahil sa hindi na naka­yanang sakit na cancer sa loob ng kanilang bahay sa Sta. Cruz. Maynila kahapon ng umaga.

Ayon kay C/Insp. Armand Macaraeg, hepe ng Manila Police District-Homi­cide Section isasailalim pa nila sa paraffin test ang nasawing   si Eden Federegon Lee, 47, ng #1447 Seve­rino St., Sta. Cruz, Maynila, tubong Bicol upang matiyak kung ito nga ang nagpaputok ng kalibre .45 na ginamit sa kaniyang pagkamatay.

Hihimukin din ng Homicide Section ang negosyanteng mister ng biktima na nakilalang si Kenny Lee Chua, 47, para sa paraffin test upang maging malinaw ang isyu na wala itong kinalaman sa pagkamatay ng misis na natagpuang nakahandusay sa loob ng kanilang silid.

Sa ulat ni PO2 Ramoncito Tolentino, dakong alas-9:05 ng umaga nang makarinig ng malakas na putok kasunod ng kalabog si Mary Abegail, 22, anak na babae ng nasawi mula sa silid ng mga magulang.

Nadatnan ni Abegail na nakahandusay at naliligo sa sa­riling dugo ang ina kaya dali-daling kinuha ang cellphone upang itawag umano sa kanilang ama ang nangyari.

Nakuha sa tabi ng biktima ang  45 kalibreng baril.

Nabatid na bago ang pagpapatiwakal, nanggaling pa umano ito sa Arranque market­ at nauna na itong umuwi ng bahay at naiwan umano ang mister sa naturang pamilihan.

Sinasabing posibleng hindi na natiis ng nasawi ang dina­ranas na karamdaman na cancer sa baga na maa­aring nagtulak dito upang magpatiwakal.

Show comments