MANILA, Philippines – Isang plastic bag na naglalaman ng 7 hanggang walong buwang fetus na lalaki ang basta na lamang inihagis ng hindi nakikilalang pasahero ng isang jeep sa gitna ng kalsada kamakalawa ng hapon, sa Paco, Maynila.
Batay sa imbestigasyon ni PO2 Ramoncito Tolentino ng Manila Police District-Homicide Section, itinapon sa gitna ng kalsada ng Pedro Gil corner Merced St., Paco, Maynila ang plastic bag na naglalaman ng fetus dakong alas-4:30 ng hapon nang napansin at pinulot naman ng furniture shop helper na si Rudy Bautista.
Dinampot umano ni Bautista ang plastic upang ilagay sa basurahan nang makita ang dugong tumulo kaya ipinaalam sa awtoridad.