MANILA, Philippines - Isang 10-anyos na batang babae ang nasawi matapos tamaan sa ulo ng kumalas na malaking tubo ng Maynilad Water Services Incorporated (MWSI) kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Dead-on-arrival sa Protacio General Hospital sa Barangay Tambo, Parañaque ang biktimang si Mary Jane Suela.
Sa ulat ni PO3 Nestor Rubel ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Pasay Police, naganap ang insidente dakong alas-6:00 ng gabi sa ilalim ng Tambo Bridge sa panulukan ng Electrical Road Extension at Airport Road, Pasay City kung saan naninirahan ang pamilya ng biktima na kabilang sa mga informal settlers.
Nabatid na nag-iigib ng tubig ang bata nang bigla na lamang kumalas ang malaking tubo o main pipe na may sukat na 300 millimeters na halos kasinglaki ng bilog ng manibela ng kotse at tumama ang malaking elbow na nagdurugtong sa tubo ng MWSI sa ulo ng bata.
May hinala naman ang pulisya na ilang mga residente sa naturang lugar ang posibleng niluwagan ang pagkakadugtong ng main pipe upang makapaglagay ng ilegal na koneksiyon ng tubig na naging dahilan upang bumigay ang elbow dahil sa lakas ng pressure ng tubig at tiyempo itong tumama sa ulo ng biktima. ?Inaalam naman ng pulisya kung may pananagutan sa naturang insidente ang MWSI dahil hindi nila nababantayan ang kanilang main pipe na posibleng nasasabotahe para sa paglalagay ng illegal connection.
Nagtirik naman ng kandila sa lugar na pinangyarihan ng trahedya ang mga kalaro ni Mary Jane, hanggang sa bangketa kung saan kinakitaan pa ng mga bakas ng dugo ng bata.