Karpintero todas sa mag-ama

MANILA, Philippines - Pinagtulungang bugbugin at saksakin ng isang mag-ama ang kapitbahay nilang karpintero nang kapwa mapikon sa kapaparinig nito sa kanila, kamakalawa ng gabi sa Marikina City.

Tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang nasawing si Charito Adolfo, 47, ng Sitaw St., Brgy. Tumana, ng naturang lungsod.

Pinaghahanap naman ngayon ang nakatakas na mag-amang suspek na sina Sonny at Joey Dolom, 18, residente rin ng naturang lugar.

Sa ulat ng Marikina police, naganap ang krimen dakong alas-10:30 ng gabi sa tapat ng   bahay ng nasawi.  Nabatid na lasing umano ang biktima at nag-iingay sa kanilang lugar kung saan pinariringgan nito ang pamilya ng mga Dolom hinggil sa kanyang mga reklamo at sama ng loob.

Napikon naman umano ang mag-amang Dolom na kinompronta ang lasing na biktima na nauwi sa sagutan.  Dito kumuha ng patalim ang mga suspek at pinagtulungan umanong bugbugin at saksakin ang biktima bago mabilis na nagsitakas.

Show comments