Kelot itinumba sa QC

MANILA, Philippines – Tatlong tama ng bala sa mukha ang tumapos sa buhay ng isang lalaki matapos na ratratin ng hindi kilalang salarin sa lungsod Quezon kahapon ng umaga. Ang biktima na nasa pagitan ng  edad na 30-35, may taas na 5’6’’ hanggang 5’7’’, may katabaan at nakasuot ng itim na t-shirt at maong na pants. Ayon sa ulat, ang biktima ay nagtamo ng tatlong tama ng bala sa kanyang mukha sanhi ng agaran nitong pagkamatay. Natagpuan ito sa may eskinita ng Al-Salam St., corner Maguindanao St., Brgy. Culiat ganap alas-5:30 ng madaling-araw. Ayon sa mga residente, nakarinig na lamang umano sila ng mga putok ng baril mula sa lugar, at nang kanilang tingnan ay doon nakita ang duguang biktima. Ayon sa mga barangay tanod, ang insidente ay pang-lima na sa naitatala ng pamamaril sa kanilang lugar na hanggang ngayon ay hindi pa ring nalulutas.

Show comments