MANILA, Philippines - Nadamay sa pagkatupok ang gusaling ekstensyon ng South Super Highway Medical Center makaraang masunog ang dalawang bahay sa likuran nito, kahapon ng umaga sa Parañaque City.
Sugatan naman ang photojournalist ng Manila Bulletin na si Ali Vicoy makaraang malaglag sa hagdan at maipit pa sa makapal na usok nang pumasok sa loob ng nasusunog na pagamutan.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection, dakong alas-6 ng umaga nang mag-umpisa ang sunog sa bahay ni Reynaldo Dizon sa 7614 Chestnut street, Brgy. Marcelo Green, ng naturang lungsod na nasa likod lamang ng naturang pagamutan.
Mabilis na kumalat ang apoy sa katabing bahay nito at nadamay ang ekstensyong gusali ng pagamutan. Mabilis namang inilikas ng mga tauhan ng pagamutan ang nasa higit 20 pasyente na nasa loob ng gusali.
Tinataya namang aabot sa mahigit P15 milyong halaga ng ari-arian ang natupok sa naturang sunog na idineklarang fire out dakong alas-12:30 na ng tanghali.