MANILA, Philippines – Naging marahas ang resulta ng isinagawang rali ng mga driver ng ‘kuliglig’ nang buwagin ang kanilang hanay ng mga tauhan ng Manila police na naging dahilan din ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa lungsod kahapon ng hapon.
Nabatid na sugatan din ang mga pulis na sina Chief Insp. Mar Reyes, SPO2 Edmund de Jesus, PO3 Adonis Aguila, PO1 Manuel Peco, GMA cameraman na si Greg Gonzales habang ang mga sibilyan naman na dinakip ay sina Manuel Tumon, Renato Palomo, Leuterio Tisado, Armando Ludlamat, Renato Eugenio, Mary Joyce Mangalili at dalawang iba pa.
Dakong ala-1:30 ng hapon nang magpasya ang Special Weapon’s and Tactics Group, Bureau of Fire at ng MPD na gamitan ng teargas at water canon nang makipagmatigasan ang mga miyembro ng kuliglig kung saan hinarangan ng mga ito ang lane patungong Sta. Cruz at Quiapo.
Umaabot din sa 20 kuliglig ang nasira at kinumpiska matapos na magtakbuhan ang mga kuliglig driver.
Ayon naman kay Manila Mayor Alfredo Lim, mali ang impormasyong ibinibigay ng ilang support group sa mga miyembro ng kuliglig. Aniya, maliwanag ang kanilang sinasabi na bawal lamang sa mga pangunahing kalsada ang mga kuliglig dahil na rin sa pagsisikip ng daloy ng trapiko at paglabag sa Clean Air Act.
Kaugnay nito, ilan naman sa mga kuliglig driver ang hindi pabor sa ginawang pagra-rally ng kanilang kasamahan. Nagpahayag din ng kalungkutan ang mga ito sa umano’y pag-iwan sa kanila ng support group na Bayan Muna nang magsimula ang dispersal. Mas naniniwala siyang mas dapat na daanin sa legal na pag-uusap.
Bunsod nito, sinabi ni Lim na tuloy pa rin ang kanilang mga paghuli hangga’t hindi sumusunod sa batas ang mga kuliglig at hangga’t patuloy ang kanilang paggamit ng motor ng bangka sa kanilang pedicab.