MANILA, Philippines – Dalawang private emission testing centers (PETCS) ang naipasara ng Land Transportation Office (LTO) at walo pa sa 26 PETCs ang nanganganib na maisara rin dahil sa paglabag sa Clean Air Act ng pamahalaan tulad ng pagsasagawa ng non-appearance testing nitong Nobyembre 2010.
Tinukoy ni LTO Chief Virginia Torres ang dalawang PETCs na Fernandino testing Center sa QC at HR Eco testing center sa Sta. Maria, Bulacan.
Binigyang-diin ni Torres na una pa man nang maupo sa puwesto ay tinagubilinan na niya ang mga PETCs na huwag magsagawa ng non-appearance testing pero sa kabila nito ay mayroon pa ring di sumunod sa kanya kaya’t agad niyang naipasara ang mga pasaway na ito.
Nanganganib namang maisara din ang walo pa na hinihinalang nagsasagawa ng non-appearance operation na CATB Emission Testing Center sa Bulacan; Airpool Emission 1147 sa Makati, Net Testing Center sa Novaliches, Smoke in the City 14 sa East Ave, QC; Super Sun Emission Testing sa Batangas, W. Red Emission Testing Center sa Molino 3 Bacoor, Cavite; Kenzarch Smart sa Isabela at Mauryl Emission testing center sa Angeles City, Pampanga.
Kaugnay nito, sinabi ni Atty. Ben Morra, Chief Legal Division ng LTO at miembro ng Ad hoc committee na binubusisi na rin nila ngayon ang direct connect ng ilang PETC sa Stradcom, ang IT provider ng LTO, matapos mahuli ng NBI ang Enviro Guard at Smoke in the City East Avenue QC na pawang naka-direct connect sa Stradcom.
Pinapurihan naman ni Tony Halili, pangulo ng Private Emission and Testing Center Owners Association (PETCOA) si Torres dahil sa kaniyang strong political will sa pagpaparusa sa mga nandadaya sa kanilang operasyon at nanloloko ng taumbayan.