'Courtesy lane' sa Registry of Deeds sa Maynila inilunsad

MANILA, Philippines - Inilunsad kahapon ng Registry of Deeds ng Maynila ang kanilang ‘courtesy lane’ bilang karagdagan sa kanilang mga proyekto upang lalong mapaganda ang serbisyo ng naturang tanggapan.

Ayon kay Atty. Marissa Timones, Register of Deeds ng Maynila, ang pagkakalikha ng isang ‘courtesy lane’ ay naglalayong maging madali ang pagproseso ng mga transaksyon ng kanilang mga kliyente kabilang ang mga senior citizens, mga kababaihang buntis, mga may kapansanan, mga Overseas Filipino workers, mga balikbayan at higit lalo ang mga mamumuhunan. Lahat ng uri ng transaksyon na may kinalaman sa registration of land titles and deeds ay maaaring gawin ng mga nabanggit na kliyente sa bahaging ito ng tanggapan. May mga nakatalagang examiners na siyang tututok sa pagsusuri ng mga dokumento upang pabilisin ang proseso. 

Sinabi pa ni Timones na “Matagal nang panahon na ang Registry of Deeds ay naging kontrobersyal bilang ahensya na may bahid ng korupsyon, mga isyu ukol sa mga nawawalang titulo ng lupa, masusungit na mga empleyado at mabagal na serbisyo. Dito sa Registry of Deeds-Manila, gagawin naman ang aming makakaya para maayos ang transaksyon sa aming tanggapan at tugunan ang lahat ng mga reklamo. 

Hindi rin umano pinapayagan ang mga fixers na makapang-biktima ng mga kliyente.

Show comments