MANILA, Philippines - Patay matapos pagtulungang bugbugin at pagsasaksakin ang isang kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng isang grupo ng kalalakihan na sinita ng una dahil sa pag-iingay kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Wilfredo Baclig, 53, ng Santos St., Brgy. Tonsuya ng nasabing lungsod. Nagtamo ito ng malalalim na saksak at matinding pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Isang manhunt operation ang isinasagawa ngayon ng pulisya laban sa mga suspek na kinilalang sina Jobert Arcega; Jason Arcega at dalawa pang hindi nakilalang lalaki na mabilis na nagsitakas matapos ang insidente.
Ayon sa report, naganap ang insidente dakong alas-6:45 ng gabi malapit sa bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.
Kasalukuyang nagpapahinga ang biktima nang makarinig ito ng ingay mula sa labas ng kanyang bahay. Nakita ng biktima ang mga suspect na sinaway nito sa pag-iingay na imbes na tumahimik ay kumasa pa sa biktima.
Dahil dito binaba ni Baclig ang mga suspect na nagtulung-tulong na gulpihin at pagsasaksakin ang una bago nagsitakas sa magkakahiwalay na direksyon.