MANILA, Philippines - Muli na namang tumaas ang presyo ng petrolyo makaraang magpatupad ng P2 kada litrong price hike sa diesel at kerosene ang ilang kompanya ng langis kahapon.
Pinangunahan ng Pilipinas Shell at Chevron Philippines ang pagtataas ng presyo sa kanilang mga produkto dahil umano sa pagsirit din ng halaga ng krudo sa internasyunal na merkado na kailangan nilang salaminin.
Nagtaas din ng P1.50 kada litro ang mga ito sa unleaded gasoline at P.75 sentimos kada litro ng regular na gasolina.
Nagpatupad din ng kahalintulad na pagtataas ang mga independent oil players na Eastern Petroleum at Total Philippines.
Aprubado naman sa Department of Energy (DoE) ang naturang pagtataas dahil sa sumunod umano talaga ito sa “international rates”. Bukod dito, sinabi pa ni Secretary Rene Almendras na patuloy pang tataas ang presyo ng petrolyo dahil sa nararanasang panahon ng taglamig sa maraming bansa.