2 patay, 1 pa sugatan sa pamamaril

MANILA, Philippines - Isang ex-convict at isang kainuman nito ang napatay habang sugatan din ang isa pang kasamahan matapos na paulanan ng bala ng tatlo sa mga suspect habang nag-iinuman sa lungsod Quezon kama­kalawa.

Dead-on-the-spot si Reynaldo Rambuanga, 29 ng Block 8 Gravel Pit St. Ponsetia Bgy. Payatas samantalang namatay naman habang ginagamot    sa East Avenue Medical Center si Christian Berdijo, 22, ng Block 3 Gravel Pit St. sa lungsod.

Samantala, sugatan din ang isa pa sa kasamahan nila na si Roger Durian, 30, ng Block 3 Gravel Pit St. at naka-confine sa EAMC dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.

Naganap ang insidente sa Ponsetia ganap na alas- 7:20 ng gabi.

Sinasabing nag-iinuman ang mga biktima nang dumating ang tatlong mga suspect at walang habas na nagpaputok ng baril sa kinaroroonan ng mga una.

Matapos ang pamamaril ay agad na nagsipagtakas ang mga suspect patungong Pinagkaisahan St.

Posible umanong may atraso si Rambuanga sa mga suspect at nalaman ang paglaya nito kung kaya’t niresbakan.

Gayunman, nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang pulisya upang malaman ang tunay na motibo ng krimen.

Show comments