MANILA, Philippines – Nagpatupad na ng alternatibong sistema ng delivery ng mga pro duktong petrolyo ang mga kumpanya ng langis na gumagamit ng isinarang Batangas-Pandacan pipeline upang hindi magkaroon ng kakapusan sa suplay ng gasolina lalo na’t panahon ng pagdagsa ng mga motorista at biyahero sa mga lalawigan ngayong Undas.
Sinabi ni Department of Energy Secretary Rene Almendras na kabilang sa gumagamit ng naturang tumatagas na pipeline ang Filipinas Shell at Chevron Philippines at ilan pang mas maliliit na kumpanya ng langis na nakabase sa Pandacan Oil Depot.
Sa kabila ng may sapat pang nakaimbak na langis sa kani-kanilang tangke, sinabi nito na lumikha na ng alternatibong plano ang mga kumpanya ng langis.
Kabilang ang pagsuspinde sa truck ban na ipinatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang mas malayang makapagbiyahe ang mga delivery truck at paggamit ng mga barges sa paghahatid ng langis sa Pandacan.
Matatandaan na ipinasara ni Makati Mayor Junjun Binay kamakalawa ang operasyon ng pipeline ng FPIC makaraang makumpirma ang tagas sa pipe na siyang sanhi ng pagbulwak ng gaas sa bisinidad ng West Tower Condominium sa Brgy. Bangkal na unang namonitor noong Hulyo.
Tiniyak naman ni FPIC president Leonides Garde na pananagutan nito ang anumang pinsalang nilikha ng nakitang butas sa kanilang pipeline ngunit masyadong maaga upang pag-usapan ang danyos na idinulot nito at dapat tutukan muna ang pagkukumpuni at paghahanap pa ng ibang posibleng butas sa tubo.