MANILA, Philippines - Posibleng hindi umano narinig ng isang bingi na diumano’y may diperensiya sa pag-iisip ang paparating na tren kaya nahagip ang balikat nito habang naglalakad sa tabi ng riles at tuluyang nasawi matapos makaladkad ng ilang metro sa Sampaloc, Maynila, iniulat kahapon.
Ang isang Rolando de Asis, pinsan ng biktima, ang kumilala sa nasawi na si Jose Obedosa, na tinatayang nasa 40 to 45 ang edad, palaboy at walang permanenteng tirahan.
Sa ulat ng Manila Police District-Traffic Bureau, naganap ang insidente dakong alas-5 ng hapon, kamakalawa sa Algeciras St., Sampaloc, Maynila.
Ayon sa saksing si Benjamin Chua, 28, ang biktima ay una na nilang sinaway dahil sa paglalakad nito sa tabi ng riles ng PNR subalit hindi umano nakikinig sa pagsaway sa kanya.
Nang biglang may paparating na tren ay naroon pa ang biktima at mistulang tatawid umano nang mahagip ang kanang balikat nito ng tren kaya nakaladkad at nagkabali-bali ang buto.
Bagamat may konting diperensiya ang isip, namumulot umano ito ng mga basura na kanyang ibinebenta para may pambili ng makakain. Katunayan umano nito ay naglakad lamang ito mula sa Binangonan, Rizal patungong Maynila.