MANILA, Philippines - Nagsimula nang pumirma sa isang petisyon kontra sa planong pagdaragdag sa pasahe ang daan-daang pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) na inilunsad kahapon ng militanteng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).
Inumpisahan ng mga miyembro ng Bayan ang pagpapapirma sa mga pasahero ng MRT-North Avenue Station sa Quezon City kung saan daan-daang pirma kaagad ang nakalap.
Isa sa pasahero na pumirma ay nagsabi na kulang na ang badyet niya sa araw-araw dahil sa maliit na kita ng isang ordinaryong “saleslady” na nakaamba pang lalong mabawasan sa pagdaragdag ng singil sa MRT. Mapupuwersa umano ang maraming mananakay na bumaling na lamang sa mga pampasaherong bus upang maipagpatuloy ang pagtitipid.
Ngunit hati naman ang opinyon ng iba na nagsabi na ayos lang kung hindi gaanong kalakihan ang itataas. Kung hindi umano lalaki pa sa P5 ang pagtataas ay maaari pang pagtiyagaan ng mga mananakay.
Una nang sinabi ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang planong fare hike sa MRT at LRT dahil sa pagkalugi ng pamahalaan dulot ng patuloy na pagbibigay ng subsidiya sa mga ito.
Dapat sanang nasa P60 ang pasahe ngunit P15 lamang ang sinisingil dahil sa subsidiya ng pamahalaan.