MANILA, Philippines - Nabawasan na naman ang mga notoryus na holdaper sa Tondo, Maynila makaraang mapatay ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 2 ang isang 24-anyos na binatang matagal na umanong itinuturong sangkot sa serye ng holdapan.
Dead-on-the-spot si Alejandro Suñiga, ng Parola Compound,Tondo matapos na makipaglaban sa mga pulis na nagsasagawa ng operasyon laban sa mga kilabot na holdaper.
Sa ulat ni SPO3 Paul Dennis Javier, dakong 2:45 ng hapon ng maganap ang nasabing insidente sa Gate 13, Parola Compound, Tondo.
Nabatid kay MPD-Station 2 chief, Supt. Ernesto Tendero na ilang ulit umanong itinatawag sa kanilang opisina ang ilang ulit na pambibiktima ni Suñiga sa mga pasahero ng dyip.
Agad namang pinostehan ng mga tauhan ni Tendero ang lugar at nang mamataang nakatambay ay tinangkang hulihin ito subalit pinaputukan nito ang mga pulis kaya’t ginantihan ng putok ng mga awtoridad.