MANILA, Philippines – Mahihirapan nang magtago si Senador Panfilo Lacson matapos ang ulat na mapapaso na ang Schengen visa nito.
Kasabay nito, inalerto naman ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Magtanggol Gatdula ang NBI-Interpol Division sa pamumuno ni Claro de Castro Jr. na makipag-ugnayan sa counterparts nito sa ibayong dagat, partikular sa Europe upang mamonitor sakaling naroon ang senador.
Ayon kay Gatdula, kung mawalan na ng bisa ang Schengen visa ng senador, magiging limitado na umano ang galaw nito dahil hindi siya basta makalilipat sa ibang border na boundary ng mga bansa sa Europe , lalo na at nasa talaan siya ng Interpol red notice.
Sinabi rin ni Gatdula na patuloy din ang paggalugad sa loob ng Pilipinas upang hanapin kung naririto pa sa bansa ang senador.
Sakaling mahuli o sumuko si Lacson, ikukulong siya sa regular na detention facility, kasama ang iba pang detainees. Hindi umano totoo ang ulat na may inihanda ang NBI na special jail para sa kanya,
Ang holding room na pinagkulungan umano kina dating police Sr. Supt. Cezar Mancao III at dating P/ Supt. Glenn Dumlao, sa NBI main office ay ginawa ng opisina.
Tiniyak ni Gatdula na magiging parehas ang laban at hindi bibigyan ng special detention ang senador kahit ito ay dati niyang ‘boss’.
“Ang sabi ng NBI ngayon, parehas na ang laban ngayon, level na ang playing field, even the detention field,” ani Gatdula.
Malabo umanong mangyari ang duda ng ilang kritiko na may pabor siyang gagawin para sa kaso ng senador na dati niyang amo dahil nasa kamay na ng husgado ang pagpapasya at nasa hurisdiksiyon na umano ito ni Manila RTC Judge Thelma Bunyi-Medina, ng Branch 32.