MANILA, Philippines - Muli na namang sumalakay ang sindikato ng “robbery hold-up” sa mga balikbayan at turista na lumalapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) makaraang mabiktima ang mag-asawang turistang Amerikano na natangayan ng P2.5 milyon salapi, alahas at sasakyan, kahapon ng madaling-araw sa Mandaluyong City.
Nakilala ang mga biktimang sina Frederick Allan Boutcher, 62; at Filipinang misis nito na si Priny, 52, ng #512 Carosucan Norte, Asingan, Pangasinan.
Sa ulat ng pulisya, dumating sa Pilipinas buhat sa Estados Unidos ang mag-asawang Boutcher kahapon ng madaling-araw kung saan sinundo sila ng anak ng babae na si Rogelio Maullon, 32, sa NAIA.
Sakay ng Isuzu Crosswind (XYJ-499) ang mga biktima at tinatahak ang kahabaan ng EDSA dakong ala-1:10 ng madaling-araw nang biglang harangin ng mga armadong lalaki na nagsibaba sa isang kulay pulang Toyota Innova na hindi naplakahan pagsapit sa underpass ng Shaw Blvd. sa Mandaluyong City.
Agad na tinutukan ng baril ng mga salarin si Maullon at pinababa ng Crosswind habang isa sa mga suspect ang nagmaneho ng kanilang sasakyan habang kasunod ang van ng mga suspect. Mabilis namang iniulat ang insidente ni Maullon sa Mandaluyong police na nagpalabas ng alarma sa iba pang istasyon ng pulisya.
Makalipas ang ilang oras, nakatanggap ang Mandaluyong Police ng tawag mula sa Galas Police Station ng Quezon City matapos mag-report doon ang mag-asawang Boutcher na ibinaba ng mga salarin sa may Balete Drive sa Quezon City.
Tangay ng mga salarin ang kanilang sasakyan, mga alahas, salapi at dollar bank account kasama na ang kanilang mga bagahe.
Matatandaang nitong Hunyo 19, nabiktima rin ng katulad na modus operandi si Jorge Bernas, 41, bayaw ni Luli Arroyo, at pamilya nito, kung saan binaril pa ng mga suspect ang una matapos itong pumalag at humingi ng saklolo.
Galing rin ang pamilya Bernas sa NAIA makaraang umuwi ang biktima buhat sa Estados Unidos at harangin ng mga salarin sa may C-5 Road sa Pasig City at tinangay rin ang kanilang sasakyan at mga gamit.
Ayon sa pulisya, posibleng tinitiktikan ng mga sindikato ang kanilang bibiktimahin sa NAIA pa lamang at susundan hanggang sa harangin at isagawa ang panghoholdap.