MANILA, Philippines - Lumalala na ngayon ang nagaganap na bangayan sa pagitan ng mga matataas na opisyales ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa labanan sa kapangyarihan habang hindi pa nagtatalaga ng bagong “appointment” si Pangulong Benigno Aquino III.
Dahil dito, hiniling na ni MMDA Chairman Oscar Inocentes kay P-Noy na magtalaga na ng bagong uupong chairman ng ahensya kung hindi siya ang napipisil nito upang matigil na ang gusot sa ahensya at maisaayos na muli ang operasyon nito.
Nauna nang inakusahan ni Inocentes sina MMDA General Manager Robert Nacianceno at Traffic Operations Director Angelito Vergel De Dios na sinasabotahe umano ang araw-araw na operasyon ng ahensya dahil sa hindi siya kinikilala na siya pa ring pinuno nito.
Iniipit umano ang mga papeles na kanyang pipirmahan sanhi ng pagkakaantala ng sahod at allowances ng may 8,000 kawani ng MMDA. Isinisi rin nito kay De Dios ang naganap na pagsisikip sa daloy ng trapiko na sinuong ni Pangulong Aquino sa pagdalo nito sa “turn-over ceremony” sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kamakailan kung saan nagpatawag umano ito ng miting sa mga traffic enforcers na hindi alam ni Inocentes kaya walang nagmando ng trapiko sa EDSA.
Sinabi ni Inocentes nag-aapura si Nacianceno na umalis na siya sa puwesto matapos na isumite ang kanyang kahilingan kay Pangulong Aquino na iupo na siya bilang officer-in-charge ng ahensiya.
Nilinaw ni Inocentes na kung sakali at alisin siya sa puwesto ni Pangulong Aquino, hindi naman si Nacianceno ang dapat na maupo bilang OIC dahil mayroon siyang vice chairman sa katauhan ni Cesar Lacuna.