MANILA, Philippines - Sadyang nagpakamatay o “suicide” ngayon ang pinatutunguhan ng imbestigasyon ng Mandaluyong City Police sa pagkalaglag at pagkasawi ng isang dentista buhat sa ika-5 palapag ng isang shopping mall, kamakalawa sa naturang lungsod.
Sinabi ni PO3 Erickson Butid, may hawak ng kaso, na base sa pahayag ng isang kaanak ng biktimang si Dra. Mary Ann Magtoto, 34, ng Brgy. Kalawaan, Pasig City, may malaking problema umano sa pananalapi ang biktima matapos na mag-invest umano sa isang negosyo ngunit bumagsak.
Nabatid na nasa ibayong dagat ang mister ni Magtoto habang nagpa-praktis naman ng kanyang pagiging dentist ang biktima kaya nakakaluwag naman sa buhay ang pamilya nito.
Nakausap pa naman ni Magtoto sa cellphone ang ina nito bago ang insidente ngunit wala naman itong ibinigay na palatandaan na may gagawing kakaiba o magpapaalam na.
Napag-alaman ng PSN buhat sa isang empleyado ng Shangrila Plaza Mall na tumangging magpabanggit ng pangalan, na hindi nakunan ng “closed circuit television (CCTV) camera” ang aktong pagkalaglag ni Magtoto kaya hindi pa rin maresolba kung sadya itong nagpatiwakal. Isang misa naman ang isinagawa ng pamunuan ng Shangrila Mall sa “atrium” kung saan bumagsak ang biktima para sa ikapapayapa ng kaluluwa nito.