MMDA naglabas ng re-routing sa Pnoy inauguration

MANILA, Philippines - Isasara ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang lahat ng pangunahing lansangan sa bisinidad ng Quirino Grandstand sa Luneta Park sa inaguras­yon nina President-elect Benigno Aquino III at Vice President-elect Jejomar Binay bukas.

Ang magkabilang pa­nig ng Roxas Blvd. at Bo­nifacio Drive mula Quirino Ave. hanggang Anda Circle ay sarado alas-7 ng umaga gayun­din ang P. Burgos at T.M. Kalaw mula Roxas Blvd. hang­gang Maria Orosa Street.

Dahil dito, inaasahan na bibigat ang daloy ng trapiko sa Finance Road, Taft Avenue at Lagus­nilad.

Pinayuhan naman ng MMDA ang mga motorista na patungong Norte na manggagaling sa Os­meña Highway na kuma­nan sa Quirino Ave. pa­tungo ng Nagtahan, Lac­son at Yuseco Sts. pa­ta­wid sa Jose Abad San­tos, Raxabago at Capulong Streets.

Ang mga sasakyan na galing naman sa Pier at pa­tungong Bonifacio Drive at Roxas Blvd. ay maaaring kumaliwa sa A. Soriano St. habang ang mga dating dumaraan naman ng Jones, McAr­thur at Quezon Ave. bridge papunta ng Roxas Blvd. ay pinapayuhang dumaan na lamang ng Taft Avenue at kumanan sa Quirino Avenue.

May 360 traffic en­forcers ang inaasahang ipa­kakalat ng MMDA sa naturang mga apekta­dong kalsada upang uma­gapay sa mga moto­rista katuwang ang Philip­pine National Police.

Show comments