MANILA, Philippines – Tinutulan ni Quezon City Mayor Feliciano “SB” Belmonte Jr. ang panukalang ordinansa na pagpapalit ng pangalan ng Quezon City General Hospital (QCGH) bilang Quezon City Medical Center.
Ayon kay Belmonte, walang legal na kapangyarihan ang konseho ng lungsod na baguhin ang batas sa pagkakatatag ng QCGH kung saan nakapaloob ang kasalukuyang pangalan ng ospital na naitatag noong Hulyo 29, 1968 sa ilalim ng City Ordinance No. 7555. Ito ang kauna-unahang general hospital na pag-aari ng Quezon City.
Nabatid na ang panukalang-batas na inihain ni Councilor Ariel Inton Jr., ay nabigong makakuha ng rekomendasyon mula sa Department of Health (DOH).
Naglaan ng P559 milyon ang QC government para sa konstruksyon ng bagong state-of-the-art QCGH building na itinuturing ng administrasyong Belmonte na pinakamalaking vertical project ng city government sa layuning makapagbigay ng mahusay na serbisyong medikal sa mga residente ng lungsod, partikular sa mga mahihirap.
Ang bagong QCGH building ay may walong operating room, kabilang na ang delivery room, diagnostic machine tulad ng MRI, CT scan, digital X-ray machine, high-concentrated ophthalmology equipment, high-end laboratory equipment at computerized information system. (Angie dela Cruz)