Taxi driver todas sa bigti

MANILA, Philippines - Sa dalawang beses na pagtatangka na tapusin ang kanyang buhay ay nakaligtas ang driver na si Leo Pilliora, pero sa ikatlong pagkakataon ay tuluyan na itong nasawi makaraang magbigti sa sarili sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Si Pilliora, 34, taxi driver ng Area-B, Phase 3, Lupang Pa­ngako sa lungsod ay naabu­tan na lamang na nakabitin sa kisame ng kanyang anak na si James matapos na punta­han siya nito para bisitahin ganap na alas-12 ng madaling araw.

Ayon sa kaanak ng bik­tima, hindi naman nila batid kung ano ang problema nito, dahil hindi naman ito nagba­banggit sa kanila kahit noong mga unang pagtatangka nito sa kanyang buhay.

Maari rin anyang depress lamang ang biktima bunga ng kahirapang nararanasan nila sa buhay.

Sa pagsisiyasat ni PO3 Pascual Fabrea, may hawak ng kaso, huling nakitang bu­hay ang biktima nitong naka­ra­ang Linggo ganap na alas-9 ng gabi habang kumakain.

Bago ito, naputulan umano ng kuryente ang tinutuluyan ng biktima, dahilan upang pansamantalang umalis ang kaanak nito at manuluyan sa bahay ng kanyang biyenan.

Kaya naman naiwan ng mag-isa sa kanyang bahay ang biktima, at nang puntahan ito ng kanyang anak na si James ay dito na siya natukla­sang nagpakamatay.

Patuloy ang imbestigas­yon ng awtoridad sa nasabing insidente.

Show comments