MANILA, Philippines - Nagpaabot ng pasasalamat ang pamunuan ng Coalition of Clean Air Advocates (CCAA) at Private Emission Test Center Operators Assn (PETCOA) kay LTO Chief Alberto Suansing dahil sa kanyang pagbabalik sa LTO ay muli nilang inuna ang pagkilos kaugnay ng kampanya laban sa mga tiwaling private emission test centers.
Sinabi ni Herminio Buerano Jr., Pangulo ng CCAA, higit ang kanilang kasiyahan nang mabalik sa LTO si Suansing dahil naniniwala ang kanilang hanay na ito ay may political will para pilayin ang mga PETCs na nagsasagawa ng non-compliance at non-appearance sa kanilang operasyon.
Ilang linggo pa lang ang nakalipas mula nang bumalik si Suansing sa LTO mula LTFRB, may 40 PETCs na ang takda nitong ipasara at pagmultahin dahil sa modus operandi.
Sinabi ni Suansing na walang puwang sa kanyang tanggapan ang sinumang PETCs na magbibigay daan na mapilay ang kampanya ng LTO at DOTC para sa tagumpay ng Clean Air Act ng pamahalaan.
“Hindi natin ito-tolerate ang mga hindi gumagawa ng maganda sa ahensiya na may dulot na epekto sa publiko lalo na sa mga motorista,” pahayag ni Suansing.
Kaugnay nito, masusi namang pina-iimbestigahan ni Suansing ang ulat na may nagaganap na non-appearance operation sa ginawang direct connect operation ng ilang Petcs diretso sa Stradcom.