MANILA, Philippines - Isang ginang at isang mister ang iniulat na nasawi sa magkahiwalay na insidente ng sucide sa Quezon City at sa Maynila.
Sa QC, nagpakamatay sa pamamagitan nang pagbibigti si Julie Ragudo, residente ng Rosal St., Brgy Payatas A sa lungsod.
Isang suicide note ang iniwan ng ginang ngunit naglalaman lamang ito ng paalala sa mga anak na pagbutihin ang pag-aaral at ang tungkol sa hindi nila nababayarang electric bills. Walang binanggit sa dahilan nang pagbibigti. Ayon sa pamilya, bago nangyari ang insidente ay napuna nila ang biktima na tila parang depress ilang linggo na ang nakakalipas.
Samantala, nadiskubreng wala nang buhay at may katabing bote ng asido ang isang 37-anyos na mister sa kaniyang silid matapos ang pakikipagtalo sa kaniyang misis sa pamamagitan ng overseas call, sa Sampaloc, Maynila, sa ulat kahapon.
Kinilala ang nasawi na si Eduardo Sarno, nasa Vancouver, Canada ang kaniyang misis at residente ng 1018 Batan St., Sampaloc, Maynila.
Ayon sa ulat, dakong alas-3:15 kamakalawa ng hapon ng madiskubreng patay ang biktima sa loob ng kuwarto nito sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.
Huling nakitang buhay si Eduardo noong Sabado at napansin itong problemado at balisa makaraang makausap ang kanyang asawa na nasa Canada .
Pinaniniwalaang may kaugnayan ang pakikipag-usap ng biktima sa misis nito ang dahilan ng pagpapakamatay nito. (Ricky Tulipat at Ludy Bermudo)