MANILA, Philippines - Kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya ang apat na kalalakihang kumuyog at nakapatay sa pamamagitan ng patalim at baril sa isang 38 anyos na lalaking nanonood lamang ng mga naglalaro ng pool malapit sa isang lamayan ng patay kahapon ng madaling-araw sa Parola Compound, Binondo, Maynila.
Patay na nang maipasok sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Demetrio Buedo ng Gate 58 Area H, Parola compound sanhi ng tama ng mga saksak sa katawan at tinamong bala mula sa sumpak.
Nagmimiron sa mga naglalaro ng pool ang biktima at abala ang lahat ng tao sa paglalamay sa nakaburol na patay nang dumating ang mga suspek na kinabibilangan ng isang alyas Jaypee, 35, at tatlo pang di nakilalang lalaki na pawang armado ng patalim at sumpak.
Agad binaril at kinuyog ng saksak ang biktima bago mabilis na nagsitakas ang mga suspek.