MANILA, Philippines - Muli na namang sumalakay ang tinaguriang “Buriki gang” sa loob ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng Bureau of Customs (BOC).
Ito ay matapos na madiskubre na nawawala ang mga mamahaling electronic gadgets na nakatago sa Warehouse 159 sa Port of Manila.
Base sa nakuhang dokumento mula sa Customs Security warehouse kabilang sa mga nawawala ang flat-screen tv sets, kahon ng Nikon single lens reflex (SLR) cameras, 10 piraso ng Sony Portable Playstation units, kahon ng JVC car stereo at tatlong piraso ng Panasonic wireless phones.
Bukod sa mga ito nawawala din ang tatlong DKNY at Bulgari na pabango, tatlong piraso ng dual shock wireless phones at 10 kahon G-Schock casio watches at marami pang iba.
Kabilang sa mga nakalagda sa sample receipts si Michel Verdeflor Asst. Chief Operation ng BOC.
Ang pag atake umano ng “buriki gang “ay naganap sa kabila ng pangako ni Customs Commissioner for Intelligence Chief Jairus Paguntalan na ligtas ang 40 footer container van na naglalaman ng mga mamahaling electronic gadgets hanggat nasa kanilang kustodiya.
Subalit alam naman umano ni Paguntalan ang paglilipat ng mga kargamento sa CIIS agents na pinangungunahan ng tauhan nito na si senior intelligence officer Eric Albano.
Batay sa demanda ng Department of Finance-Revenue Integrity Protection Service (DOF-RIPS) sa Office of the Ombudsman, sina Verdeflor at Albano ay mayroong nakabinbing mga kasong administratibo at kriminal dahil sa umano’y mga kwestiyunableng kayamanan ng mga ito. (Gemma Amargo-Garcia)