MANILA, Philippines - Dahil sa labis na kalungkutan matapos ang break-up sa kanyang nobyo, isang doktora ang nagpasyang tapusin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbibigti sa sarili gamit ang isang kumot sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Kinilala ang nasawi na si Dra. Jovy Mendigorin, 28, dalaga, physician, ng San Felipe St., San Pedro 1 Compound, Banlat Road, Tandang Sora ng nabanggit na lungsod.
Ayon kay Chief Insp. Benjamin Elenzano, hepe ng Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police, pag-ibig ang ugat ng pagpapakamatay ng doktora, dahil hindi nito matanggap ang paghihiwalay nila ng kanyang nobyo na labis nitong dinamdam.
“Kasi may sulat ang nasawi sa lalake, na alyas JC na hindi siya maka-move on, after break up, kaya labis itong nalungkot, binilinan pa nga niya ang nobyo na sana makapasa rin siya sa board exam,” sabi ni Elenzano.
Sinasabing ang doktora ay mag-isa lamang na namumuhay sa kanyang tinutuluyan dahil ang pamilya nito ay naninirahan sa Cabangan, Zambales.
Ayon sa ulat, ang bangkay ng biktima ay natagpuan ng kanyang tiyuhing si Cesar Mendigorin ganap na alas-10:30 Sng gabi habang nakabitin sa kisame ng pintuan ng kuwarto ng katulong gamit ang kumot.
Bago nito, lumuwas umano ng Manila ang tiyuhin ng biktima kasama ang nanay nitong si Jovelita Mendigorin para makipagkita sa kanilang kamag-anak dito.
Dahil dito, naisipan ni Cesar na bisitahin na rin ang pamangkin sa kanyang bahay. Habang ipinaparada ni Cesar ang kanyang sasakyan sa harap ng bahay ng nasawi ay napuna niyang bahagyang nakabukas ang pintuan nito maging ang ilaw.
Dala ng pagtataka ay agad na tinignan ni Cesar ang dahilan kung saan bumulaga sa kanyang harapan ang pamangkin sa kalunus-lunos na sitwasyon.
Agad na ipinagbigay alam ni Cesar ang nakita sa nanay ng biktima, saka humingi ng tulong sa mga barangay opisyal na nagpabatid naman sa tanggapan ng pulisya.
Ayon sa ilang residente, bago natagpuan ang bangkay ng doktora noong Araw ng mga Puso ay may isang lalake pa umanong bumisita dito na may dalang mga bulaklak na rosas. Ang nasabing bulaklak ay nakita pang nakalagay sa mesa sa sala ng nasabing bahay nang matagpuan ang biktima.
Pinalalagay ng mga awtoridad na may ilang oras nang patay ang biktima dahil nangingitim na umano ang buong katawan nito.
Sinasabing kapapasa lamang ni Jovy sa board exam nitong nakaraang taon para sa pagiging ganap na doktora. Sinasabi ring anak umano ang biktima ng isang government official sa Cabangan, Zambales, bagay na hindi naman kinumpirma ng awtoridad.
Patuloy ang imbestigasyon ng CIDU sa nasabing insidente upang matukoy kung may naganap na foul-play sa pagkamatay ng doktora.